Matagal na rin akong di nakakasakay ng metro mula noong lisanin ko ang dating kuta sa Ortigas. Dati kasi, apat na beses akong sumasakay sa isang linggo. Madalas, hindi magandang karanasan ang pagsakay ng tren – hindi yata masayang magmadali papuntang istasyon, upang habulin ang pinakamaagang biyahe; makipila sa mahabang linya ng tao sa token machine (salamat sa stored-value card), tumayo (ng nakahigh-heels, karay ang bag, envelope, at kung mamalasin – ang higanteng laptop), bumalanse sa bawat preno; makipagsiksikan sa pagbaba upang lumipat sa isa pang tren, maranasan ang parehong bagay at maglakad ng pagkalayu-layo – (habang karay ang bag, envelope at kung mamalasin – ang higanteng laptop. – hmm, pwedeng gawing kanta)
Masalimuot ang pagsakay sa tren maliban na lamang kung maluwag, pwedeng maupo at mabibigyan ng pagkakataon na bumunot ng libro para magbasa.
Kanina papuntang Ateneo, nakasakay muli ako ng metro. Naswertehan kong di siksikan sa tren dahil maaga pa. Gayunpaman, pinili ko na lamang na tumayo. Sa maikling biyahe mula Pureza hanggang Katipuna’y nagkaroon ako ng panahon magmasid sa paligid. Nahagap ang aking atensyon ng mga nakasulat doon sa taas na bahagi kung saan madalas nakalagay ang mga print ads,
¿Què es la vida?, un frenesi?
¿què es la vida?, una sombra, una ficciòn,
y el mayor bien es pequeno:
que toda la vida es sueño,
Y los sueños, sueños son.
- Pedro Calderon de la Barca, La Vida es Sueño
HINDI KO NAHULI ANG SALIN. Pero subukan natin: (errhm, effort)
Ano ang buhay? Isang paglinlang?
Ano ang buhay? Isang panaginip, isang ilusyong
mas mabuti ang higit sa maliit – (pwede ring: mas higit ang mabuti sa kasinungalingan)
Ang buhay ay isang ilusyon
at ang ilusyo’y mananatiling ilusyon.
***
Ríete de la noche,
del día, de la luna,
ríete de las calles
torcidas de la isla,
ríete de este torpe
muchacho que te quiere,
pero cuando yo abro
los ojos y los cierro,
cuando mis pasos van,
cuando vuelven mis pasos,
niégame el pan, el aire,
la luz, la primavera
pero tu risa nunca
porque me moriría.
- Pablo Neruda, Tu Risa
SALIN:
Pagtawanan mo ang gabi,
ang araw, ang buwan
Pagtawanan mo ang liku-likong
landas sa isla,
Pagtawanan mo ang torpeng
lalaking ito na nagmamahal sa iyo,
Ngunit kapag bubuksan ko
at isasara ang aking mga mata,
Kapag ako ay umalis,
kapag ako ay muling bumalik
Ipagkait mo na sa akin ang tinapay,
ang hangin, ang liwanag at ang tagsibol,
Huwag lamang ang iyong ngiti
Dahil ito’y aking ikasasawi
***
Si alguna la vida te maltrata
Acuerdate de mi
Que no puede cansarse de esperar
Aquel que no se cansa de mirarte.
- Luis Garcia Montero, Habitaciones Separadas
SALIN:
Kung sakaling malupit sa iyo ang kapalaran
Alalahanin mo ako
Dahil hindi mapapagod sa paghihintay
itong walang sawang tumitingin sa iyo..
***
Nabighani ako sa mga tula, lalo na sa mga salin. Marami pa akong nabasa dahil umuusad ako sa bawat hinto ng tren. Kung nagkaroon ako ng pagkakataon na kunan ng litrato ang mga ito (bagaman bawal), ang saya-saya siguro. Hindi bago sa akin ang pagbabasa, ngunit sa pagkakataong ito, nagising ang aking nahihimlay na pag-ibig sa panitikan.
Masaya ako dahil nakakita ako ng tilamsik ng sining sa loob ng isang lugar na kung saan madalas magmadali ang mga tao. Nakakatuwa, isa pala itong promotional material for reading ng Instituto Cervantes na nagmula noong October 2007. Sana lang, maraming tao ang magkaroon ng panahon upang magmasid.
Sana magkaroon ako ng panahon upang sumakay muli ng metro. May mapagkakaabalahan na sa biyaheng Recto hanggang Santolan. =)