Friday, December 01, 2006

poesis: MAGSULAT TAYO

MAGSULAT TAYO

Para kay Ynna at sa bagong sidetrip sa LitCrit

26 November 2007 (sampung minuto)
Panuto para sa mga lito:

Hulihin ang pinakaakmang titik na nasa iyong puso.
Halukipkipin ang letra hanggang mapiga ang katas na tatagos sa ulo.
Tanungin ang kunsensya, isangguni sa lalim ng kaluluwa.
Sa panahong ito'y nagiging tinta ang katas.
Kapag pumayag bagaman hindi kumbinsido, isalpak sa papel.
Pabayaan sumandali, patuyuin...

Sambahin saka libakin.

27 November 2006 (tatlumpung minuto)
Panuto para sa mga bigo:

Galugarin ang nalunod na titik sa bukal ng luha, iligtas sa hapdi
at dagling pagkamanhid. Pagkatapos maihango sa maalat na tubig,
tanggalin ang nakatarak na tinik. Bayaang ibulalas ang kirot.
Ang salitang didikit ay magiging marikit, yaong alaala ng
nakaraang ubod ng sakit.
Pagkatapos sariwain ang katangahan, burahin

ang sinumpang bakas, maliban sa titik.

29 November 2006
Panuto para sa mga tanga (labinlimang minuto)

Saluhin ang tilamsik ng tinta sa papel hanggang sa
makabuo ng walang hanggang bilog.
Ulitin nang ulitin, gumuhit nang paulit-uli
nang kusang umulit at umulit.
Balikan sa wakas at tapusin sa simula.
Kapag marami nang bilog, kunin ang papel saka punitin.

Sumalo muli ng mga tilamsik.
(Wag mag-alala, may sukatan ang katangahan)

Panuto para sa mga pantas (sampung minuto)

Imulat ang tainga, inganga ang mata
palakarin ang kamay at ipansulat ang paa.
Basahin ang himig, awitin ang titik.
Lunukin ang papel at itarak ang pluma sa dibdib
managhoy sa daloy ng walang katapusang salita,
magalak sa sumisigwang diwa.

Kapag nabuo ang tulain, kusang ipapunit sa katabi.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home